Nagpadala ng liham si Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon sa Kamara at Senado para imungkahi na na isabay na rin sa isinusulong na amiyenda sa 1987 Constitution ang political provisions.
Partikular na pinakokonsidera ni Gadon ang pagpapalawig sa termino ng mga kongresista at lokal na opisyal gaya ng gobernador ay alkalde ng hanggang anim na taon.
Hindi kasama sa term extension ang Pangulo ng Pilipinas, Pangalawang Pangulo at mga senador.
Pero ang mga senador mula sa kasalukuyang 24, pinadodoble nya para maging 48.
Sakaling umumbra ng political amendment, magiging epektibo ito sa 2028 national elections.
Paliwanag ni Gadon nasa sampu hanggang labindalawang bilyong piso ang nasasayang na pondo kada tatlong taon para lang sa eleksyon.
Maliban dito hindi rin aniya sapat ang tatlong taong termino ng local officials para maipatupad ang kanilang mga programa.
Ang gastos sa halalan, maaari na sana magamit sa ibang programa gaya ng pagpapatayo ng school buildings o sa modernisasyon ng mga pasilidad para sa pagsasaka.
“Anlaki ng nasasayang na pondo sa taumbayan, anlaki ng nawawala na benepisyo sa taumbayan…Yan ang dahilan kung bakit hindi tayo maka-angat ng husto yung sobrang politika dito sa atin. Imagine every three years papalit ka ng ano, eh yan kung six years, dapat isabay mo na sa term ng president para isahang gastos na lang isahang eleksyon,” sabi ni Gadon sa panayam.| ulat ni Kathleen Forbes