Handa ang Department of Agriculture (DA) na suportahan ang plano ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) na maipasaayos ang mga pantalan nito.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nasa ₱30.1-bilyong pondo ang kinakailangan ng ahensya para sa pag-upgrade ng nasa higit isang dosenang regional at subregional seaports.
Bahagi na rin ito ng target ng DA na gawing agri-logistics hubs ang mga pasilidad sa bansa.
Kamakailan lang, nakipagpulong si Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr., na siya ring tumatayong chairman ng PFDA board, sa management team ng ahensya para talakayin ang development plans nito.
Kasama sa multi-year development plan ng PFDA ang pagtatayo ng cold storage, agricultural processing areas, cargo handling facilities, quays, shipyards, fuel depots, at pipelines.
Ayon sa kalihim, susuportahan nito ang plano ng PFDA nang mas tangkilikin ang regional ports at maging entry at exit points ng agricultural products. | ulat ni Merry Ann Bastasa