Pinag-aaralan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pag-ban na makapag-apply ng excavation permit ang dalawang contractor na hindi natapos ang mga paghuhukay sa ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila nitong Holy Week break.
Ito ay matapos na magdulot ng mabigat na trapiko partikular na sa kahabaan ng EDSA ang mga iniwang nakatiwangwang na hukay ng HGC Global Communications at RLink Corporation.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, pinag-aaralan na nila ang posibilidad na hindi makakuha pa ng excavation permit ang dalawang mga contractor dahil sa idinulot nitong abala sa mga motorista at publiko.
Pinag-aaralan din ng ahensya kung may magiging pananagutan din ang iba pang sangkot na partido. Ani Artes, hindi lang dapat ang contractor ang managot sa ganitong sitwasyon pati na rin aniya ang may-ari ng proyekto.
Nabatid na ito ay mga contractor ng Globe Telecom na nagsagawa ng underground installing ng fiber optic cable sa Southbound na bahagi ng EDSA.
Samantala, pinuri naman ng MMDA ang Department of Public Works and Highways (DSWD) na maagang nakumpleto ang mga road work at repair sa ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila nitong Holy Week break.| ulat ni Diane Lear