Nanawagan ang mga senador sa Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na magpatupad ng mas mahigpit na pagbabantay sa power generation companies (gencos) para matiyak ang pagsunod nila sa mga scheduled power outage.
Ito ay sa gitna ng sunod-sunod na paglalagay sa red at yellow alert status ng Luzon, Visayas at maging ng Mindanao grid dahil sa pagpalya ng mga planta ng kuryente sa buong bansa.
Binigyang diin ni Senador Chiz Escudero, na dapat mahigpit na sinusunod ng gencos ang kanilang schedule at maging transparent sa detalye ng anumang unplanned outages.
Iginiit ni Escudero, na dapat managot ang gencos sa hindi makatwirang power outages.
Hinikayat nanamn ni Senador Sherwin Gatchalian ang DOE, na agad na imbestigahan ang sabay-sabay na forced outages ng mga planta na nagdulot ng pagnipis ng suplay ng kuryente.
Dapat rin aniyang silipin ng DOE ang mga reserba, na dapat kinontrata ng NGCP na siyang dapat magsisilbing buffer kapag mababa ang power supply.
Samantala, minungkahi naman ni Senador JV Ejercito sa gobyerno na magpatayo na ng mga dagdag na planta ng kuryente.
Nirerekomenda rin ng senador ang rebyu sa EPIRA law at ang pagsasagawa ng performance audit sa NGCP. | ulat ni Nimfa Asuncion