Agaran nang nagpadala ng karagdagang water tanker ang Philippine Red Cross (PRC)sa Zamboanga City para sa mga pamilyang nakakaranas na ng kakulangan ng suplay ng malinis na tubig.
Ang hakbang ay ginawa ng PRC kasunod ng kahilingan ng Red Cross local chapter sa Zamboanga City at Zamboanga City Water District.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard Gordon, karagdagang 12,000-liter
water tanker ang ipinadala sa Zamboanga City upang madagdagan ang 5,000-liter water tanker na naunang pinadala sa lungsod.
Hanggang Abril 4, nakapamahagi na ang PRC ng 87,000 liters ng tubig sa may 5,797 pamilya at karagdagan pang 17,400 pamilya.
Ilan sa mga lugar na pinagsilbihan ng PRC ang mga pamilya sa Seaside at Seafront, Tres Maria, Baliwasan; Katilingban at Kalinaw sa Sinunuc; San Roque; San Jose Gusu, Guiwan, Canelar Moret, Campaner, at Sucabon.
Asahan pa raw na mapagsilbihan ang iba pang areas kabilang ang Upper Calarian at Tumbugan at Tumaga.
Mula pa noong Marso 13 wala nang access sa malinis na tubig ang mga pamilya sa Zamboanga City dahil sa pagbaba ng water levels sa mga pangunahing ilog dahil sa El Niño phenomenon.| ulat ni Rey Ferrer