Produksyon ng bangus sa Dagupan City, hindi apektado ng mainit na panahon, ayon sa alkalde
Tiniyak ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez na sapat ang suplay ng bangus sa lungsod sa kabila ng mainit na panahon. Lalo na at libo-libong bangus ang iihawin para sa Bangus Festival ‘Kalutan ed dalan’ bukas.
Aniya, walang nakikitang problema sa produksyon nito sa kabila ng nararanasang dry season o El Niño phenomenon.
Ayon sa alkalde, ang nakikitang problema ay ang maraming harvest at pumapasok na bangus mula sa ibang area kaya apektado ang presyuhan kung saan bumaba ang presyo nito.
Kaugnay sa nasabing bagay ay kinausap na umano ni Fernandez ang mga bangus growers sa siyudad.
Ayon kay Fernandez, tinawag na niya ang pansin ng mga nagmamay-ari ng mga consignacion sa Magsaysay Public Market upang suportahan ang mga mangingisda. Aniya, hindi pwedeng ikumpara ang lasa ng ‘Bangus Dagupan’ kumpara sa ibang pumapasok dahil sa sarap nito.
Samantala, inilahad din ng alkalde na pinahihinto na nito ang pgbagsak ng bangus sa naturang pamilihan mula sa iba’t ibang lugar.
Mahigpit umano ang pagbabantay ng Bantay Ilog sa nasabing pamilihan upang matiyak na nasusunod ito.| ulat ni Verna Beltran| RP1 Dagupan