Doble-kayod ngayon ang mga propagandista ng China para palabasin na ang Pilipinas ang gumagawa ng tensyon sa West Philippine Sea dahil sa hindi pagtupad sa umanoy kasunduan ng dalawang bansa.
Ito ang inihayag ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya kaugnay ng pahayag ng China tungkol sa umano’y “new model” o “internal understanding” sa pagitan ng China at Pilipinas sa isyu sa West Philippine Sea.
Sa isang statement noong Sabado, sinabi ni Malaya na ang umanoy “internal understanding” ang pangatlong bersyon ng propaganda ng China.
Unang sinabi ng China na mayroon umanong “promise” o pangako ang Pilipinas na alisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, na kinalaunan ay naging “gentlemen’s agreement”.
Muling giniit ni Malaya na walang anumang kasunduan ang Pilipinas at China patungkol sa Ayungin Shoal at gagawin ng Pilipinas ang anumang aktibidad na pinahihintulutan ng international law. | ulat ni Leo Sarne