Para kay Senador Raffy Tulfo, bigo ang DENR na protektahan ang mga protected areas ng Pilipinas at nagtuturuan lang ang mga ito kapag may natuklasan ng kapalpakan sa ahensya, partikular na sa nangyari na nakapagpatayo ng resort sa gitna ng Chocolate Hills sa Bohol.
Sa naging pagdinig sa Senado, kinuwestiyon rin ni Tulfo ang freedom information manual ng DENR kung saan nakasaad na bawal magbigay ng impormasyon tungkol sa mga nag-aapply ng environment compliance certificate (ECC) at mining permit.
Binigyang diin naman ni Senate Committee on Environment Chairperson Senadora Cynthia Villar na dapat alisin na sa mga kapitan ng barangay ang awtoridad ng pagbibigay ng permiso sa pagpapatayo ng mag istruktura sa mga protected areas.
Ang pahayag na ito ni Villar ay kasunod ng sabihin ni DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na mga barangay chairman ang nagbigay permiso para maipatayo ang kontrobersyal na Captain’s Peak Resort sa Chocolate Hills.
Tugon naman dito ni Villar, ang DENR pa rin dapat ang may huling desisyon tungkol sa pagpapahintulot na makapagpatayo ng imprastruktura sa mga protected areas.
Samantala, pinagsabihan rin ni Senadora Loren Legarda si dating PAMB (protected area management board) chairman at ngayo’y DENR Assistant Secretary Gilbert Gonzales III tungkol sa pagkakaroon ng ECC ng Captain’s Peak Resort.
Sinabi kasi ni Gonzales na absent siya nang aprubahan ng board ang ECC para sa Captain’s Peak.
Pero giit naman ni Legarda, hindi excuse ang pagiging absent lalo na kung siya ang lumagda sa inilabas na resolusyon para sa pagtatayo ng nasabing resort. | ulat ni Nimfa Asuncion