Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara para bigyang proteksyon ang mga biktima ng krimen, aksidente o kaya ay suicide mula sa hindi awtorisadong media exposure.
Ang House Bill 10277 o Victim’s Privacy Protection Act ni Camiguin Rep. Jesus Jurdin Romualdo ay hango sa foreign law gaya sa Estados Unidos kung saan itinuturing na krimen ang pagkuha ng video o litrato at paglalathala nito nang walang paalam mula sa biktima.
Tinukoy ni Romualdo ang Cathy’s Law sa New Jersey matapos kunan ng isang first responder ang biktima ng aksidente na sa si Cathy Bates at ipinost ang kaniyang litrato sa Facebook nang hindi pa nabibigyang abiso ang pamilya.
Diin ng mambabatas ang hindi awtorisadong pagkuha at pagpapakalat ng litrato ng biktima ay isang paglabag sa privacy at dignidad ng indibidwal maliban pa sa maaaring magdulot ng stress sa kanilang mga pamilya.
“It seeks to balance the right to information and freedom of expression with the right to privacy, ensuring that the dignity of victims and their families is preserved,” sabi ni Romualdo.
Maaari pa rin naman aniyang magamit ng naturang litrato o video ng mga duly franchised at authorized television and radio networks at duly licensed print media salig sa umiiral na ethical at professional standards at matapos makakuha ng permiso mula sa biktima.
Ang lalabag ay maaaring maharap sa tatlo hanggang pitong taong pagkakakulong o multa na P100,000 hanggang P500,000.
Sakaling ang biktima ay nasawi, maaaring ang kaanak nito ang magtulak ng hiwalay na civil action laban sa lalabag. | ulat ni Kathleen Jean Forbes