Asahan pa ang matinding init ng panahon sa mga susunod na araw sa malaking bahagi ng bansa.
Ayon sa PAGASA Weather Bureau, wala silang nakikitang namumuong sama ng panahon sa mga susunod na araw.
Sinabi ni Weather Specialist Rhea Torres, hindi lamang payong kung hindi dapat na ring magdala ng maiinom na tubig ang publiko upang mapababa ang temperatura ng katawan.
Gayunman hangga’t maaari ay iwasan na ang paglabas ng bahay lalo na ang mga matatanda at mga bata gayundin ang mga maysakit.
Hindi iniaalis ng Pagasa ang posibilidad na umabot sa 50°C at higit pa ang heat index pagsapit ng peak season ng dry season sa buwan ng Abril at Mayo.
Bukas Abril 3, may 13 lugar ang makararanas ng “dangerous” heat indices, habang 42°C ang inaasahan na heat index sa PAGASA Science Garden sa Quezon City; Sangley Point, Cavite; San Jose, Occidental Mindoro; Puerto Princesa Palawan; at Catarman, Northern Samar. | ulat ni Rey Ferrer