Humingi ng paumanhin ang Quezon City Local Govt sa nangyaring magulong clearing operations ng QC Department of Public Order and Safety (DPOS) sa Pook Dagohoy, Pook Palaris, Area 1, at Area 2, sa loob ng UP Diliman kahapon.
Batay sa ulat na nakarating sa pamahalaang lungsod, sinira at kinumpiska ng mga tauhan ng DPOS ang ilang paninda at kagamitan ng mga vendor na naabutan sa lugar.
Lumabas naman sa inisyal na imbestigasyon ng LGU na ang clearing ops ay mula sa request ni UP Diliman Vice Chancellor Roehl Jamon, na idinaan kay Barangay UP Campus Kapitan Lawrence V. Mappala.
Kasunod nito, nagpaalala ang LGU sa mga nagpapatupad ng clearing ops na pairalin pa rin ang pinakamataas na antas ng malasakit at respeto sa karapatang pantao.
Dapat rin aniyang tiyaking may koordinasyon sa lahat ng stakeholders nang hindi nauuwi sa gulo.
Para maiwasang maulit ang pangyayari ay nagsimula na aniyang bumuo ng framework ang LGU para sa mas maayos na pagpapatupad ng mga operasyon.
“Please rest assured that we have already started drafting a framework for future operations of this nature, based on the principles of transparency, consultation, participation, the minimization of harm, and optimal outcomes for all concerned parties. Once this is finalized, we shall ensure that all our departments and agencies comply with its implementing rules and regulations.” | ulat ni Merry Ann Bastasa