Nakahanda nang umalalay ang mga lokal na pamahalaan ng Quezon City, Valenzuela, at Malabon sa mga pasahero sakaling makaapekto ang tatlong araw na tigil-pasada ng transport group na PISTON.
Ayon sa QC LGU, tuloy ang mga biyahe ng QCity Bus, at handa itong i-dispatch kung may maiulat na stranded commuters.
Naka-standby rin ang mga service vehicles ng Pamahalaang Lungsod, pati na rin ng 142 Barangays ng Quezon City, kung sakaling kailanganing mag-dispatch ng karagdagang mga sasakyan.
May mga itatalaga ring traffic enforcers ang QC Traffic and Transport Management Department sa mga pangunahing lansangan upang i-monitor ang sitwasyong dulot ng transport strike at para gumabay sa mga pasahero.
Samantala, nakahanda na rin ang libreng sakay trucks ng Valenzuela LGU at naka-preposisyon na sakaling magkaroon ng mga pasaherong stranded.
Ganito rin ang diskarte ng Malabon LGU na nag-deploy na rin ng mga sasakyan simula alas-5 ng umaga upang magbigay ng Libreng Sakay para sa mga maaaring maapektuhan ng transport strike.
Naka-monitor naman ang mga kawani ng pamahalaang lokal sa pamumuno ng Malabon City Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO) upang masubaybayan ang sitwasyon sa bawat kalsada sa lungsod. | ulat ni Merry Ann Bastasa