Minumungkahi ni Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones chairman Senador Francis Tolentino na magkaroon ng regular na joint patrol ang Pilipinas kasama ang Australia, Japan, at Estados Unidos sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ay magsisilbing aniyang senyales ng pinalakas na alyansa ng like-minded countries para pigilan ang pambu-bully ng China sa Pilipinas.
Ayon kay Tolentino, ang pagsasagawa ng joint patrol sa WPS ay magpapatunay ng commitment sa mutual defense and security cooperation sa mga magkakalayadong bansa.
Naniniwala rin ang senador na sa pamamagitan nito ay matitiyak pa ang regional stability dahil makatutulong ang joint patrol sa regional security at cooperation.
Pinunto ng mambabatas na sa ilalim din ng United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS), hinihikayat ang mga bansa na magtulungan para sa pangangalaga sa karagatan bukod pa sa pagpapanatili ng kapayapaan, seguridad at kaayusan.
Kasabay nito, kailangan rin aniyang ipagpatuloy ng Pilipinas ang pagpapalakas ng ating defense alliances at bumuo ng non-defense treaty alliances sa maritime countries tulad ng Norway, the Netherlands, at Chile.| ulat ni Nimfa Asuncion