Agad inaksyunan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang reklamo ng ilang motorista sa mga kalalakihang umiikot sa Quezon Avenue para sapilitang maglinis ng windshield ng mga sasakyang nakahinto sa traffic light.
Batay sa reklamo, bigla na lamang lalapit ang “Wiper Boys” sa mga sasakyan at bubuhusan ng tubig na may sabon ang mga windshield kahit walang pahintulot ng drayber. Kapag tinanggihan ang kanilang serbisyo ay nagagalit ang mga ito at ang iba ay nambabato pa.
Kaya naman, reklamo ng motorista, parang holdap ang modus na ito ng wiper boys:
Bilang tugon dito ay agad nagpatrolya ang mga tauhan ng QCPD at QC Task Force Disiplina sa kahabaan ng Quezon Ave. na nagresulta sa pagkakahuli ng ilan sa binansagang “Wiper Boys”
Isa sa mga nasitang wiper boy ay pinaliwanagan na mapanganib at pinagbabawal ang kanilang gawain.
Inimbitahan ito sa Barangay Hall ng Brgy. Sto. Domingo upang gawan ng panunumpa na nilagdaan nito, na hindi na babalik sa lugar kung saan sya nasita.
Tiniyak naman ng QC LGU na patuloy na susubaybayan ang mga kalsada sa lungsod upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng mga motorista at pedestrian. | ulat ni Merry Ann Bastasa