Naghain na si Senate Majority Leader Joel Villanueva ng isang resolusyon na nag uudyok sa buong Senado na ipahayag ang mariing pagkondena sa patuloy na agression, harassment at ilegal na aktibidad ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia sa West Philippine Sea.
Sa inihaing Senate Resolution 980 ni Villanueva, hinihikayat rin ang executive branch ng ating pamahalaan na gawin ang lahat ng pwedeng legal at diplomatic countermeasures laban sa China upang matiyak ang sovereign rights ng Pilipinas sa West Philippine Sea at mapanatili ang stability sa rehiyon.
Ang resolusyong ito ay updated version ng isang resolusyon na una nang pinagtibay ng Senado noong Agosto 2023 tungkol pa rin sa mga aksyon ng China sa WPS.
Isinulong ito ng senador kasunod ng naging water cannon attack ng CCG sa resupply boat ng Pilipinas na Unaizah May 4 (UM4) na patungong BRP sierra madre sa Ayungin Shoal nito lang March 23.
Hinarass rin ng Chinese helicopter ang ilang Pinoy scientist na nagsasagawa ng research sa sandy Cay malapit sa Pag-asa Island.
Sa parehong insidente ay may naitalang injured nating kababayan.
Giit ni Villanueva, kasabay ng pagsuporta ng Senado sa direktiba ni Pangulong Marcos na magpatupad ng response at countermeasure package ay hinihikayat pa rin ang Department of Agriculture (DA), Department of National Defense (DND) at iba pang ahensya ng pamahalaan na umaksyon sa ginagawa ng China sa WPS. | ulat ni Nimfa Asuncion