Giniit ni Senador Sherwin Gatchalian na malinaw ang suporta ng taumbayan sa panukalang ibalik ang mandatory ROTC.
Ginawa ni Gatchalian ang pahayag matapos lumabas sa isang survey ng Pulse Asia na 69 percent ng mga Pilipino ang sumusuporta sa panukalang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) para sa mga kabataan.
Ang tinutukoy na survey ni Gatchalian ay kinomisyon ni Senate President Juan Miguel Zubiri at isinagawa noong December 3 to 7, 2023.
Naniniwala aniya ang senador na sa pamamagitan ng ROTC program ay matuturuan ang mga kabataan na maging disiplinado at matatag, lalo na sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng ating bansa ngayon.
Layunin ng Senate Bill 2034, na nakabinbin ngayon sa interpellation sa senate plenary, na gawing institutionalized ang mandatory Basic ROTC Program sa mga Higher Education Institutions (HEIs) at Technical Vocational Institutions (TVIs).
Umaasa si Gatchalian na bibigyang prayoridad na ang pagtalakay sa ROTC bill sa pagbabalik sesyon ng Senado sa Mayo. | ulat ni Nimfa Asuncion