Committed ang Pilipinas sa pagtataguyod ng ligtas, mapayapa at may stabilidad na Indo-Pacific Region.
Ito ang inihayag ni Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro kaugnay ng isinagawang multilateral Maritime Cooperative Activity sa pagitan ng Pilipinas, Australia, Japan at Estados Unidos sa West Philippine sea.
Sa isang kalatas, sinabi ng kalihim na bilang isang archipelagic country, itataguyod at ipaglalaban ng Pilipinas ang rules-based global order, partikular sa karagatan kung saan ang pangingibabaw ng United Nations Convention of the Law of the Seas (UNCLOS) ay pinatunayan ng 2016 Arbitral Award.
Sinabi ni Teodoro na binabago ng bansa ang kanyang “defense paradigms” at pinakalakas ang kakayahang militar, sa pamamagitan ng alyansa nito sa mga kaibigang bansa.
Sa pamamagitan aniya nito ay mas mapapangalagaan ng bansa ang kanyang teritoryo at karapatan sa ilalim ng international law, at magiging epektibong partner ng ibang mga bansa sa pagtiyak ng freedom of navigation, overflight, at security sa international waters. | ulat ni Leo Sarne