Nasa sampung panukalang batas ang nakatakdang aprubahan ng Senado oras na muling magbukas ang kanilang sesyon sa april 29 ayon kay Senate majority leader Joel Villanueva.
Aminado naman ang majority leader na maiksi lang ang panahon nila para magpasa ng mga panukalang batas, lalo na ng mga priority measures.
Gayunpaman, sisikapin aniya nilang aprubahan ang nasa sampung panukalang batas bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo.
Ayon kay Villanueva, kabilang sa mga panukalang ito ay nasa bicameral conference committee na gaya ng mga panukalang Philippine Maritime Zones Act, Real Property Valuation Assessment Reform Act, Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, at Self-Reliant Defense Posture Revitalization Act.
Ilan pa aniya sa mga priority measures na inaasahang maipapasa ang Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System Bill, Negros Island Region bill, Anti-Financial Account Scamming bill, New Government Procurement bill, Blue Economy bill, at ang Enterprise-Based Education and Training Framework bill.
Kumpiyansa si Villanueva na maaaprubahan nila ang mga panukalang batas na ito bago ang sine die adjourment ng Kongreso.
Nakatakdang magbalik ang sesyon ng Senado sa April 29 at saka muling magkakaroon ng session break mula May 25.
Magbubukas na itong muli ang sesyon ng Kongreso kasabay ng SONA ni Pangulong Marcos sa July 24.| ulat ni Nimfa Asuncion