Iniimbitahan ng Association of Tourism Officers – National Capital Region (ATO-NCR) ang publiko na makilahok sa darating na Abril 19 hanggang 20 sa gaganaping 2024 Flavors of NCR sa Filinvest City Central Garden sa Alabang, Muntinlupa City kung saan tampok ang samu’t saring ipinagmamalaking mga local food and delicacy mula sa mga bayan sa National Capital Region.
Ayon sa ATO-NCR, ito ang pinakamalaking pagsasama ng mga lungsod at bayan sa NCR para pagyamanin ang panlasang pagkain na matatagpuan sa National Capital Region na binubuo ng City of Manila, Caloocan, Las Piñas, Makati, Malabon, Mandaluyong, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Pasig, Quezon City, San Juan, Taguig, Valenzuela, at Pateros.
Noong nakaraang taon, isinagawa rin ang Flavors of NCR sa lungsod naman ng Maynila. Ilan sa mga pagkaing tampok doon ay ang smoked at grilled balut ng Makati City; mga kakanin mula sa Parañaque City, Pasig, Malabon, at Navotas; ang everlasting at huaknatoy ng Marikina City; at marami pang ibang pagkain mula sa ibang bayan.
Nagpaabot na rin ng kani-kanilang paanyaya ang mga alkalde ng mga lungsod sa NCR sa gaganaping food festival na kasabay ng selebrasyon ngayong buwan ng Filipino Food Month.| ulat ni EJ Lazaro