Todo pasalamat ang ipinaabot ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang Jr. sa Korte Suprema dahil sa walang sawang suporta na ibinibigay sa mga PDL o Persons Deprived of Liberty.
Ito’y makaraang naging matagumpay ang idinaos na art exhibit and sale na pinamagatang “Mga Pinta ng Pag-asa Mula sa Puso ng mga PDL”.
Dito, tampok ang mga likhang sining ng mga bilanggo sa Maximum Security Compound; School of Fine Arts, Education and Training Section, Medium Security Compound; maging sa Work and Livelihood Section ng Medium Security Compound sa New Bilibid Prison.
Bukod kay Chief Justice Alexander Gesmundo ay pinasalamatan din ni Catapang si Associate Justice Jose Midas Marquez na personal na pinangunahan ang naturang proyekto at pumili ng likhang sining na isinali sa exhibit.
Kaugnay nito’y pormal nang naibigay ng Korte Suprema sa PDLs ang kabuuang halaga na P653,500 na kinita ng 100 mula sa 116 paintings sa exhibit na idinaos sa Supreme Court simula February 13 hanggang February 16.
Ipinaliwanag ni Catapang na napakalaking bagay ito para sa mga PDL dahil ang perang pinagbilhan ng kanilang paintings ay makakatulong ng malaki sa kani-kanilang pamilya.
Dagdag pa nito, ang ginagawa aniya ng mga bilanggo ay nakakatulong para maihayag ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagpipinta at ito aniya ay bahagi ng kanilang reformation o pagbabagong buhay. | ulat ni Lorenz Tanjoco