Pinahayag ni Senador Sherwin Gatchalian na hindi malayong may kaugnayan ang mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa mga naglipanang scam messages mula sa mga private messaging system.
Ayon kay Gatchalian, naobserbahan niya ang pagbabago mula sa pagpapadala ng text messages at ngayon ay sa instant messaging services na ang gamit, gaya ng WhatsApp at Telegram.
Pinunto ng senador na sa mga na-raid na POGO ay natuklasan na ang karaniwang gamit ng mga ito sa kanilang modus ay WhatsApp at Telegram, mga app na encrypted at internet-based, kaya mahirap matukoy ang source.
Ang mas nakakabahala pa aniya, target na rin ngayon ng mga modus na ito ang mga Pilipino.
Dati kasi ay ang mga nasa bansang India, Bangladesh at Pakistan lang ang karaniwang target ng mga ito.
Binahagi rin ng senador na nakatanggap na sila ng mga sumbong tungkol dito. | ulat ni Nimfa Asuncion