Lilipad patungong Europe ang resident artists ng White Room Gallery ng SEAMEO INNOTECH para sa isang group art exhibition.
Ang “La Mia Mente è in Europa” ay gaganapin sa Kalayaan Hall ng Philippine Consulate sa Milan, Italy simula May 7-12, 2024 sa pangunguna ng exhibition curator at direktor ng White Room Gallery na si Professor Ruben DF Defeo ng UP College of Fine Arts.
Ito ang unang international exhibition ng INNOTECH artists tampok ang mga obra na layong maipakita ang mayamang sining at kultura ng Pilipinas sa pamamagitan ng pinaghalong tradisyunal at modernong sining biswal.
Kabilang sa INNOTECH artists ay sina Ramon Arsenio Acevedo, Nina Ricci Alagao-Flores, Hoche Magtolis Briones, Denes Dasco, Joy Dasco, Jes Evangelista, Karen Fabie-Concepcion, Reymar Gacutan, Carmela Geisert, Jay Lozada, Nesty Angeles Ortiz Jr, Anton Quisumbing, Byron Valenzuela, Myk Velasco, Jefferson Villacruz at Chelony Mercado. Makakasama rin nila ang dating aktor at visual artist na si Reb Belleza.
Ang White Room Gallery ay binuksan sa publiko noong July 2023 sa adbokasiya ni dating Education Secretary at INNOTECH Director Leonor Magtolis Briones na pagyamanin ang ugnayan ng sining at teknolohiya partikular na sa larangan ng edukasyon na pangunahing misyon ng SEAMEO INNOTECH.