Nagbabala ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa SKC Investment na nag-aalok sa publiko ng investment kapalit ang malaking kita. Sa inilabas na advisory ng SEC, hindi otorisado ang SKC Investments na mag-alok, mag-solicit o mamahagi ng investment o securities sa publiko.
Hindi umano nakarehistro ang naturang investment company sa SEC, at wala itong lisensya para magbenta ng securities na direktang paglabag sa Securities Regulation Code.
Base sa mga report na natanggap ng SEC, may mga indibidwal na kumakatawan sa kumpanya na nag-aalok ng mataas na “return of investment” sa pamamagitan ng pag sign-up sa website ng SKC.
Meron din anilang video presentation sa YouTube para turuan ang “would-be” investors kung anong package ng investment ang kanilang pwedeng kunin, na may pangakong kitang 33% at 3% na referral commission.
Ipinadadaan naman ng SKC Investment ang pera ng investors sa Gcash account na nakalagay sa kanilang website.
Ayon sa state regulator, maaaring sampahan ng criminal liability na may pagkakakulong ng 21 taon at may maximum fine na P5 million ang mga umaaktong salesman, brokers, recruiter at dealers ng SKC. | ulat ni Melany Valdoz Reyes