Kumpiyansa si Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs chairman Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na maaaprubahan rin ng Senado ang panukalang Reserve Officers Training Corps (ROTC).
Sa kabila nito, aminado si Dela Rosa na kung magkakaroon ng botohan sa ROTC bill ay magiging maliit lang ang deperensya ng boto ng mga senador na papabor at tututol sa naturang panukala.
Pero sa huli mataas pa rin ang tiwala ng senador na mayorya ng mga senador ang sasang-ayon sa mandatory ROTC.
Binahagi ni Dela Rosa na kinausap na niya ng personal si Senate President Juan Miguel Zubiri para mai-schedule ang pagtalakay ng ROTC bill sa plenaryo ng Senado pagbalik nila mula sa session break.
Ito ay dahil siya na aniya ang kinukulit ng mga nagsusulong na maibalik ang mandatory rotc at ng taumbayan tungkol sa usapin.
Una nang sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ipaprayoridad na ng Senado ang pagtalakay sa ROTC bill sa pagbabalik sesyon nila sa Mayo.
Sa ngayon ay nakabinbin sa period of interpellation ang Senate Bill 2034.| ulat ni Nimfa Asuncion