Pinatitiyak ni Senate Committee on Health Chairmaperson Senator Christopher ‘Bong’ Go na handa ang bansa laban sa tumataas na bilang na sakit na pertussis o whooping cough gayundin ang kaso ng tigdas.
Ayon kay Go, dapat siguruhin ng gobyerno na hindi mabibigla, may sapat na kagamitan at mga tauhan ang bansa sa pagtugon sa mga communicable diseases na maaaring umusbong sa bansa.
Bagamat wala namang aniyang naitatalang surge o pagtaas sa bilang ng mga nao-ospital sa national level, kapansin-pansin naman aniya ang biglang pagtaas sa bilang ng mga kaso ng sakit kaya ang ilang mga lokal na pamahalaan na ang nagdeklara ng pertussis outbreak.
Kaugnay nito, muling isinusulong ng senador ang pagpapasa na ng panukalang pagtatatag ng Center for Disease Control and Prevention at Virology Institute sa Pilipinas.
Giit ni Go, panahon nang magkaroon ang bansa ng sariling CDC na magde-detect at tutugon sa mga uusbong na bagong banta sa kalusugan, magsasagawa ng mga scientific research at mangunguna sa pagpapalaganp ng mahahalagang health information sa publiko.
Habang ang pinapanukala namang virology institute ang magbibigay kakayahan sa ating bansa na mag produce ng sarili nating mga bakuna. | ulat ni Nimfa Asuncion