Binigyang diin ni Senador Jinggoy Estrada na walang pumipigil sa mga lokal na pamahalaan at sa mga school heads na magpatupad ng blended learning o distance learning dahil sa sobrang init ng panahon.
Pinunto ng senador na mayroon nang inilabas na ang Department of Education (DepEd) na Department Order No. 44 Series of 2022 tungkol sa pagsuspinde o kanselasyon ng mga in-person classes.
Ayon kay Estrada, nauunawaan niya ang alalahain ng mga magulang, guro at ng mga estudyante tungkol sa pagpasok habang mainit ang panahon.
Maliban kasi sa mahirap tumutok sa pag-aaral, pinakamahalagang isaalang-alang ang kalusugan ng mga mag-aaral.
Sinabi pa ng senador na ang DepEd order ay maaaring gamiting basehan ng mga lokal na pamahalaan at mga school officials para rin maiwasan ang pertussis outbreak sa mga paaralan.
Pwede rin aniya itong gawin ng CHED (Commission on Higher Education) at ng TESDA (Technical Education and Skills Development Authority).
Gayunpaman, pagdating sa mga opisina ng gobyerno, sinabi ni Estrada na kailangan pa ring magkaroon ng nararapat na hakbang dahil hindi maaaring basta lang masuspinde ang operasyon ng mga ahensya ng gobyerno at ang serbisyo sa publiko.| ulat ni Nimfa Asuncion