Pangungunahan ni Senador Francis Tolentino ang pagbibigay ng legal assistance at support para sa inabusong kasambahay na si Elvie Vergara.
Ginawa aniya ito ng senador sa pamamagitan ng Philippine Legal Justice Center Inc. (PLJCI) para masiguro na ang kalagayan ni Vergara ay matutugunan.
Una nang inanunsyo ng Department of Justice (DOJ) na sasampahan na nila ng kasong ‘serious illegal detention with serious physical injuries’ ang mag-asawang Franilyn at Pablo Ruiz, ang dating mga amo ni Vergara.
Ibinahagi ni Tolentino na bukod sa dating mga amo ni Vergara ay kabilang rin sa kakasuhan ang barangay chairperson ng lugar ng dating pinagtratrabahuan ni Vergara na si Barangay Chairperson Jimmy Patal at dalawang pulis na sina Elisa Palabay at Jerome Ruiz.
Sinabi ng senador na ang pagkakasangkot ng mga ito ay nagpapatunay ng sistematikong kabiguan at pagiging kampante na nagpahintulot na mangyari sa kasambahay ang pang-aabuso.
Tiniyak ng mambabatas na patuloy niyang susuportahan si Vergara sa pag-usad ng legal proceedings ng kanyang kaso. | ulat ni Nimfa Asuncion