Hindi katanggap-tanggap para kay Senador Sherwin Gatchalian ang pag-abot sa red alert status ng Luzon grid at yellow alert ng Visayas grid.
Ayon kay Gatchalian, nakakaalarma ang sitwasyong ito.
Giniit ng senador, na paulit-ulit na siyang nanawagan sa Department of Energy (DOE) na magpatupad ng kinakailangang contingency plans para makaagapay pa rin sakaling may isa o iba pang mga power plant ang pumalya o hindi makakapag-operate ng buong kapasidad.
Dapat rin aniyang magpatupad ng lahat ng kinakailangang hakbang ang generation companies at iba pang concerned stakeholders sa sektor ng enerhiya, para matugunan ang kakulangan ng energy supply lalo na ngayong nararanasan ng ating bansa ang peak ng El Niño weather phenomenon.
Binigyang diin rin ni Gatchalian, na dapat maging proactive ang DOE at maging mapagbantay sa pagtugon sa sitwasyon.
Ito ay para matiyak aniyang mababawasan ang pagkagambala sa power supply at mapapanatili ang katatagan ng power infrastructure ng Pilipinas. | ulat ni Nimfa Asuncion