Iginiit ni Senador Imee Marcos na dapat magkaroon ng aktwal na pag-aaral na magpapatunay na solusyon sa traffic ang adjustment ng work schedule sa Metro Manila.
Ang pahayag na ito ng senadora ay kaugnay ng ipinalabas na resolusyon ng Metro Manila Council (MMC) na nag-aatas sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na agahan ang work schedule ng kanilang mga manggagawa bilang bagong solusyon sa matinding trapik kapag rush hour.
Ayon kay Senadora Imee, maaaring isa itong solusyon sa kasalukuyang krisis sa trapiko pero dapat ay mayroong pag-aaral na batayan ng naturang kautusan.
Paliwanag ng mambabatas, mayroon din kasing epekto sa publiko na pinagsisilbihan ng mga lokal na pamahalaan ang pag-adjust sa oras ng kanilang pasok.
Sa ilalim ng kautusan ng MMC gagawin ng mula alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon ang pasok ng mga empleyado sa lahat ng LGU sa Metro Manila. | ulat ni Nimfa Asuncion