Nanawagan si Senate Minority Leader Koko Pimentel kay Davao del Norte 1st District Representative Pantaleon Alvarez na ilayo ang militar mula sa usaping politikal.
Ang panawagan ng senador ay kaugnay sa panghihimok ni Alvarez sa lahat ng mga pulis at sundalo na bawiin ang kanilang suporta kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Hindi sinang-ayunan ni Pimentel ang naturang hakbang, at sinabing ang leadership ng bansa ay hindi dapat nadidiktahan ng alinmang armadong grupo.
Aniya, ang pamumuno sa Pilipinas ay idinadaan dapat sa tapat na halalan.
Dinagdag rin ng minority leader na dapat ilayo ang ating mga sundalo mula sa isyung pulitika para malinang sila na maging mas propesyunal, disiplinado at inspiradong grupo.
Nakiusap naman si Pimentel kay Deputy Speaker Johnny Pimentel, na huwag nang sampahan ng kaso si Alvarez para maitaguyod at mapalakas ang karapatan sa malayang pamamahayag at pagtitipon ng mga taong may kahalintulad na posisyon tungkol sa mga maiinit na isyu sa bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion