Pinatitiyak ni Senate Committee on Public Services chairperson Sen. Grace Poe sa mga water concessionaire na patuloy ang pagseserbisyo nila sa kanilang mga customer.
Ayon kay Poe, ito ay para na rin maiwasan ang outbreak ng mga sakit na idudulot ng kakulangan ng tubig at matinding init.
Giit ng senadora, dapat siguruhin ng mga water provider na magiging uninterrupted at 24/7 ang suplay ng tubig.
Uuna rito, nagbabala na ang mga doktor sa mga sakit na maaring maidulot ng matinding init tulad ng heat stroke.
Kaya mahalaga aniya ang regular na pag-inom ng tubig mula sa mga mapagkakatiwalaan at malinis na water source.
Binigyang diin ng mambabatas na ang pag-inom ng tubig mula sa mga hindi ligtas na source ay maaari pang magdulot ng sakit tulad ng gastrointestinal problem.
Umaasa si Poe na mayroon nang nakahandang supply contigency at augmentation plan ang mga water concessionaire para ngayong summer.
Dapat rin aniyang may koordinasyon ang mga water company sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at National Water Resources Board (NWRB) para matiyak sa mga customer ang patuloy na supply ng tubig kahit pa malakas ang demand nito.| ulat ni Nimfa Asuncion