Pinatitiyak ni Senate Committee on Public Workers Chairman Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na handa ang mga imprastraktura ng bansa sa inaasahang papasok na La Niña phenomenon sa ikalawang bahagi ng taon.
Paalala ni Revilla, ngayon pa lang ay dapat masiguro na ang kaligtasan ng bansa sa gitna ng paparating na La Niña, na inaasahang magdudulot ng mas malalakas na pag-ulan sa bansa.
Aniya, ngayong tag-init pinakamainam na tiyaking malinis ang lahat ng mga daluyan ng tubig at walang bara sa mga drainage system para maiwasan ang pagbaha.
Kailangan rin aniyang matiyak na 100% operational ang mga pumping station.
Binigyang diin ng senador na hindi na dapat pang hintayin na magsimula ang pag-ulan at mga bagyo bago umaksyon.
Nitong March 2024, iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ang El Niño sa buong Tropical Pacific Ocean ay nakitaan na ng paghina at inaasahang aabot na lamang ang pag-iral nito hanggang sa buwan ng Mayo.
Sa kabilang banda ay mayroon naman anilang 55% tiyansa ang La Niña na ma-develop simula Hunyo 2024. | ulat ni Nimfa Asuncion