Hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian ang pamahalaan na mamuhunan sa modernisasyon ng sektor ng agrikultura at sa pagpapaunlad ng irigasyon para mapabuti ang food security sa Pilipinas.
Ito ay sa gitna ng patuloy na paglobo ng populasyon sa bansa.
Ayon kay Gatchalian, dapat nang simulan ng gobyerno ang isang komprehensibong programa para sa modernisasyon ng agriculture sector dahil kung hindi ay mahihirapan na aniya ang ating bansa na makamit ang seguridad sa pagkain lalo na pagdating sa suplay ng bigas.
Binigyang-diin ng senador na dahil sa tuloy-tuloy na paglaki ng populasyon ay kinakailangan nang pataasin ang productivity sa pamamagitan ng modernisasyon ng mga sakahan.
Ipinunto ni Gatchalian na sa kaso ng bigas, na siyang pangunahing pagkain sa bansa, kailangang makapag-ani ng hindi bababa sa 98% ng pangangailangan natin sa bigas.
Pero sa ngayon aniya, hindi mahabol ng produksyon ng bigas ang mabilis na paglobo ng populasyon ng Pilipinas.
Kaya naman binigyang diin ng mambabatas na dapat magkaroon ng whole-of-government approach, kung saan malaki ang papel ng mga local government units para sa epektibong pagsusulong ng modernisasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion