Muling pinahayag ni Senadora Cynthia Villar ang kanyang pagkabahala para sa ginagawang reclamation projects malapit sa Las Piñas-Parañaque Wetland Park.
Giit ni Villar, kahit pa sinasabing ang mga proyektong ito ay makapagbibigay ng dagdag na espasyo para sa urban development, hindi naman aniya maikakaila ang pinsalang dulot nito sa kalikasan.
Mas nakakabahala pa aniya ito lalo na sa gitna ng nararanasan na nating climate change.
Maliban dito, ang reclamation ay maaaring humantong sa pagkasira ng marine ecosystem, pagkawala ng biodiversity, pagtaas ng lebel ng dagat, pag-aalis ng mga komunidad, at pagtaas ng polusyon sa tubig.
Kaugnay nito, tiniyak muli ni Villar na nananatili siyang committed para maipreserba ang Las Piñas-Parañaque Wetland Park.
Binigyang diin ng Senate Committee on Environment chairperson na ang wetland na ito ang isang kritikal na coastal habitat at isang key biodiversity site na nagiging tahanan ng iba’t ibang uri ng water birds, kabilang na ang mga migratory species.
Umaasa din aniya dito ang libu-libong mga mangingisda at urban poor families.| ulat ni Nimfa Asuncion