Dismayado at hindi katanggap tanggap para kay Senate Committee on National Defense Chairman Senador Jinggoy Estrada ang naging pahayag ni dating presidential spokesperson Harry Roque na nagkaroon ng deal si dating Pangulong Joseph Estrada sa China na alisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Nanindigang muli si Estrada na walang kasunduan o pangakong binitawan ang kanyang ama sa pagtanggal ng BRP Sierra Madre.
Sinabi pa ng Senador na pinatotohanan na ito ng mga dating defense and security officials gaya ni dating Defense Sec. Orlando Mercado.
Giit pa ni Estrada, sa gitna ng lumalalang panggigipit at bullying na nararanasan natin sa China, ang ganitong mga walang basehang pahayag ni Roque ay nagpapalaganap lang ng kalituhan at pagdududa sa integridad at kakayahan nating na ipaglaban ang seguridad ng ating bansa.
Samantala, pinuri naman ni estrada ang administrasyon ni pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil sa ginagawa nitong mga konkretong aksyon para protektahan ang sovereign rights at territorial integrity ng Pilipinas.
Aniya, dapat lang suportahan ang mga hakbang na ginagawa para tugunan ang patuloy at lumalalang aggression ng China sa ating teritoryo sa West Philippine Sea. | ulat ni Nimfa Asuncion