Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga taxpayer na maghain ng kanilang Income Tax Returns bilang papalapit na ang Abril 15 na deadline para sa filing.
Ayon kay Gatchalian na pangunahing may-akda ng Ease of Paying Taxes Act (EOPT), ngayong naisabatas na ang EOPT ay kumpiyansa siyang magiging mas madali ang proseso ng paghahain ng Income Tax Returns ng mga taxpayer.
Ipinaliwanag ng senador na sa ilalim ng batas, pinahihintulutan ang paghahain ng returns at pagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng electronic na pamamaraan o mano-mano sa alinmang awtorisadong bangko ng ahente, o revenue district office sa pamamagitan ng isang revenue collection officer o awtorisadong tax software provider.
Sa pamamagitan rin ng EOPT law ay inaasahan rin aniyang mapapahusay ang pagkolekta ng buwis at mahihikayat ang publiko na sumunod sa mandatong magbayad ng buwis.
Dagdag pa ng mambabatas, titiyakin rin nito ang pagkakaroon ng pondo para sa mga kinakailangang imprastraktura at mga programang makakatulong para maibsan ang kahirapan.
Target ng BIR na makakolekta ng P3.05 trilyon ngayong 2024 kumpara sa kabuuang koleksyon na P2.53 trilyon noong 2023.
Umaasa si Gatchalian na sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagpapatupad ng Ease of Paying Taxes Law ay maisasaayos ang tax compliance at tax collection sa bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion