Isinusulong ni Senador Robin Padilla na masuri at mapabuti ang information drive ng pamahalaan para malaman ng publiko ang paghahanda at pagtugon sa krisis na dulot ng El Niño.
Kaugnay nito, inihain ni Padilla ang Senate Resolution 987 para makapagkasa ng Senate inquiry ang pinamumunuan niyang Senate committee on public information and mass media
Ayon sa senador, mahalaga ang pagsasagawa ng information at awareness campaign para matiyak na ang publiko ay kargado ng mga kinakailangang kaalaman para makatugon sa epekto ng sobrang init na panahon.
Giniit ni Padilla na dapat maging up to date ang mga Pilipino sa mga impormasyon, kinakailangang paghahanda at pagtugon ng national at local government.
Pinaalala ng mambabatas na una nang inutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan na gawing whole-of-government approach ang pagtugon sa El Niño at posibleng epekto ng La Niña.
Bukod aniya sa pinsala sa agrikultura ay may banta rin ang El Niño sa mga mahahalagang sektor tulad ng kapaligiran, edukasyon, kalusugan at public health. | ulat ni Nimfa Asuncion