Isinusulong ni Senator Imee Marcos na magkaroon ng Senate inquiry tungkol sa umiiral na El Niño phenomenon at water crisis sa bansa.
Inihain ng senator ang Senate Resolution 986, sa gitna ng nararanasan nang tagtuyot at dry spell sa maraming lugar sa bansa.
Sa naturang resolusyon, sinabi ni Senator Imee, na sa kabila ng iba’t ibang hakbang at inisyatibo na ginagawa ng gobyerno at taas ng singil sa tubig ay maraming rehiyon at probinsya pa rin sa bansa ang kulang ang suplay ng tubig.
Apektado na rin ng tagtuyot ang nasa 32,200 na ektarya ng lupang taniman na nagresulta na sa 44,800 metric tons na kawalan sa produksyon ng mga produktong pang agrikultura.
Ipinunto rin sa resolusyon, na noon pang Disyembre 2023 ay sinabi na ng Department of Science and Technology (DOST), na aabot sa 65 na probinsya o 77 percent ng mga probinsya sa bansa ang makakaranas ng tagtuyot pagdating ng katapusan ng May 2024.
Una na rin aniyang nanawagan si NEDA Secretary Arsenio Balisacan sa water, agriculture, energy, health at public safety sector ng mas komprehensibo, coordinated at science-based approach sa pagtugon sa epekto ng El Niño.
Kaya naman nais ng senator, na masuri ng kinauukulang komite ng Senado ang mga plano at hakbang ng pamahalaan tungkol sa El Niño at sa kakulangan ng tubig. | ulat ni Nimfa Asuncion