Balak ni Senator Risa Hontiveros na maghain ng resolusyon tungkol sa napaulat na pagbili ng degree ng mga Chinese sa isang pribadong unibersidad sa Cagayan.
Ayon kay Hontiveros, maituturing na isang national security concern ang isyu.
Maliban kasi aniya sa posibleng paglabag sa immigration process ng Pilipinas, dapat ring silipin ang napapaulat na presensya ng mga Chinese national sa paligid ng EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement) sites.
Ang probinsya ng Cagayan ay host ng dalawang bagong EDCA sites na itinalaga sa ilalim ng kasulukuyang administrasyon.
Sinabi pa ni Hontiveros, na maaaring may kaugnayan rin sa Pastillas Scam, visa upon arirval (VUA), at iba pang naaabusong immigration process ng bansa ang nakakaalarmang development na ito.
Matatandaang sa mga nakaraang naging pagdinig sa Senado ay nabunyag ang ilang mga modus na nagbibigay daan sa pagpasok sa Pilipinas ng mga Chinese national, nang hindi nabeberipikang maigi ang kanilang pagkakakilanlan. | ulat ni Nimfa Asuncion