Nakikiisa ang mga senador sa pagluluksa sa pagpanaw ni dating Senador Rene Saguisag.
Inilarawan ni Senate President Juan Miguel Zubiri si Saguisag bilang man of true honor, dignity at integrity.
Maaari aniyang isang termino lang itong nagsilbi sa Senado pero ang kanyang buong buhay naman ay inilaan nito sa pagsusulong ng hustisya at pagiging patas para sa bawat Pilipino, partikular na sa pamamagitan ng mga inisyatibong gaya ng free legal assistance group.
Bilang dating senador, kabilang aniya sa mga batas na naging co-author si Saguisag ang batas na nagtataguyod ng highest standard sa pagseserbisyo publiko gaya ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (R.A. 6713) at Ombudsman Act of 1989 (R.A. 6770).
Ibinahagi naman ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda na maliban sa pagiging mambabatas ay nagsilbi rin itong boses at taga depensa ng mga nangangailangan
Hinahangaan rin aniya ni Legarda ang pagtindig nito para sa karapatang pantao hanggang sa kanyang huling mga sandali.
Habang inilarawan naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva si Saguisag bilang gold standard sa legal community, lalo na sa pagsisilbi nito sa mga naaapi. | ulat ni Nimfa Asuncion