Inudyukan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang Department of Transportation (DOTr) na bilisan na ang pag-turnover ng operasyon ng NAIA sa private sector company na nanalo sa bidding.
Ang pahayag na ito ng Senate leader ay kasunod ng mga ulat ng sirang aircon, escalator, at elevator sa NAIA.
Ayon kay Zubiri, dapat magkaroon ng transparency at accountability pagdating sa ating mga paliparan.
Pinaalala pa ng Senate leader na ang hindi pag-aksyon sa mga problema ng paliparan ay paglabag sa tungkulin ng mga airport officials sa taumbayan.
Kaugnay pa rin sa operasyon ng mga paliparan, balak rin ni Zubiri na maghain ng resolusyon para maimbestigahan sa Senado ang hindi pa rin pag-turnover ng operasyon ng Laguindingan Airport sa Cagayan de Oro sa pribadong kumpanya (Aboitiz) na nanalo sa bidding para mangasiwa ng operasyon nito.
Nais malaman ng senador kung ano ang dahilan ng delay gayong ilang buwan na mula nang maigawad sa private sector consortium ang CDO Airport operations. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion