Inaresto ng mga tauhan ng PNP-AVSEGROUP ang isang 65 taong gulang na Filipino-Canadian citizen na nagbiro na “granada lang naman ang laman niyan” sa check-in counter ng kaniyang bagahe na patungo sana ng Canada.
Dahil sa biro na ito nabahala ang mga personnel ng paliparan at nagpatawag ng awtoridad kung saan dito na dumating ang airport police at PNP-AVSEGROUP kasama ang AVSECU EOD/K9 dogs upang tiyakin na walang laman na pampasabog ang bagahe ng naturang pasahero.
Matapos nito, ipinaliwanag sa pasahero kung bakit siya inaresto at binasahan ng Miranda Rights habang inaaresto.
Kasalukuyang nasa kustodiya ngayon ng NAIA Police Station 1 ang naturang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1727.
Nagbabala si PNP-AVSEGROUP Director P/ Brig Gen. Christopher Abrahano sa mga pasahero na iwasan ang bomb jokes sa paliparan na magdudulot lamang ng pangamba at posibleng maharap sa kaukulang kaso dahil aniya ang bomb jokes ay iresponsable at labag sa batas. | ulat ni Lorenz Tanjoco