Nanindigan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos Jr. na hindi niya kukunsintehin ang sinumang lumalabag sa batas, maging kamag-anak man niya ito o kaibigan.
Ginawa ng Kalihim ang pahayag kasunod na rin ng pagkakaaresto ng isang Jaz Abalos na nagpakilalang pamangkin di umano ng DILG Chief sa isang entrapment operation sa Araneta Avenue sa Cubao, Quezon City kahapon.
Nabatid na naniningil ang van na pagmamay-ari umano ng nagpakilalang pamangkin ni Abalos ng 200 pisong pamasahe para makapaghatid mula Quezon City patungong Laguna.
Sinabi ni Abalos na nakarating sa kaniya ang ulat na may gumagamit ng kaniyang pangalan sa iligal na aktibidad kaya’t inatasan nito si MMDA Assistant General Manager for Operations, ASec. David Angelo Vargas para magsagawa ng operasyon.
Maliban sa nagpakilalang Jaz Abalos, arestado rin ang driver ng colorum na van na nakilalang si Antonio Mirasol na nagpresinta pa ng pekeng lisensya .
Giit ni Abalos, wala siyang paki-alam kahit sino pa ang mga magpapakilalang kamag-anak, kaibigan o may koneksyon sa kaniya basta’t kapag nagkasala o lumabag sa batas ay dapat itong parusahan. | ulat ni Jaymark Dagala