Kinumpirma ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagkakahuli ng ilang miyembro ng sindikato ng mga fixer na nagpakilalang may kuneksyon sa mga BIR officials para makapambiktima.
Sa ikinasang entrapment operations katuwang ang NBI, nahuli ang mga suspek na kinilalang sina Cristopher Leo Maala, Kyle Dean Tabayocyov, at Lioric Amiel Cervantes sa Baguio City.
Ayon sa BIR, nakapangikil na ng aabot sa P3.6-million ang mga miyembro ng sindikato sa modus na ito. Maliban dito ay nameke rin sila ng mga pirma ng ilang BIR officials na kanilang ginamit sa iba’t ibang mga proseso na tanging lehitimong BIR officials lamang ang pwedeng gumawa.
Mahaharap sa patong-patong na kasong Estafa, Falsification of Private Documents, at Illegal Possession of Firearms ang mga naaresto.
Kaugnay nito, muli namang ipinunto ni BIR Commissioner Romeo Lumagui na walang lugar sa ahensya ang mga ganitong kriminal at handa silang makipagtulungan sa ibang ahensya ng gobyerno upang hulihin, kasuhan, at ikulong ang mga ganitong manloloko.
Pinaalalahanan din nito ang publiko na huwag nang tumangkilik sa fixer dahil hindi ito kailangan upang maging tax compliant.
Pinayuhan din nito ang mga taxpayer na sumangguni sa mga revenue issuances at iba pang mga revenue regulations para sa iba’t ibang mga proseso ng buwis. | ulat ni Merry Ann Bastasa