Umapela si Senate Committee on Public Services Chairperson Senador Grace Poe na kailangang ayusin kaagad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at ng Iloilo Airport Managements ang sirang airconditioning system at elevators sa mga nabanggit na mga paliparan.
Sinabi ni Poe na ang naturang mga problema sa mga paliparan ay malaking abala sa mga pasahero.
Lalong dapat aniyang ayusin ang aircon sa mga paliparan sa gitna ng matinding init na nararanasan sa bansa.
Nais ring malaman ni Poe kung paanong ginagamit ang 190 million pesos na pondong nakalaan sa 2024 National Budget para sa repair at maintenance ng Iloilo Airport.
Habang umiiral pa ang napakainit na klima sa bansa, pinaalalahanan rin ng mambabatas ang lahat ng mga airport officials sa bansa na paigtingin pa ang maintenance ng aircon, kuryente, at iba pang kahalintulad na pasilidad para maiwasan ang pagkasira at mga aksidente.
Samantala, sinabi naman ni Senador JV Ejercito na umaasa siyang matutugunan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang problema sa NAIA habang hindi pa naitu-turn over ang pangangasiwa ng operasyon ng NAIA sa pribadong sektor. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion