Nagpaabot ng pakikiramay ang Department of Education (DepEd) sa pamilya ng dalawang nasawing guro sa Sta. Barbara sa Iloilo bunsod ng kanilang iniindang karamdaman.
Kasunod nito, itinanggi ng DepEd ang mga kumakalat na ulat ng page na XFM Radyo Patrol Iloilo sa social media na “heat stroke” ang sanhi ng pagkasawi ng dalawang hindi pinangalanang guro.
Ayon sa DepEd, batay sa kanilang pakikipag-ugnayan sa nakasasakop na Schools Division Office, lumalabas sa datos na nasawi ang dalawang guro sa magkahiwalay na pagkakataon.
Ang unang guro anila ay nasawi nito lamang Pebrero dahil sa Hypertensive Cardiovascular Disease habang nitong Marso naman nasawi ang isa pang guro dulot ng Aneurysm.
Binigyang-diin ng DepEd, mali at mapanlinlang ang ulat ng naturang social media page na kanilang ipinakakalat. | ulat ni Jaymark Dagala