Inaresto ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na sangkot umano sa pamemeke ng pera sa kanyang bansa.
Kinilala ang inarestong Koreano na si Jang Junseok, 26 na taong gulang, na nahuli ng mga kawani ng BI border control and intelligence unit (BCIU) matapos subukan nitong sumakay sa isang flight papunta ng Busan sa South Korea.
Ayon kay BI, kabilang ang pangalan ni Jang sa deregatory list nito ng subject sa watchlist order ng ahensya. Nasa listahan din ang pangalan ni Jang sa red notice na inisyu ng Interpol.
May warrant of arrest din na nakahain para kay Jang sa Daegu district court sa South Korea kaugnay ng pagdadala at pakikipagpalitan ng pekeng pera.
Nakalaya si Jang sa mga naunang kaso nito dahil sa isang parole na iginawad sa kanya pero patuloy pa rin umano ito sa kanyang mga ilegal na gawain.
Tinatayang nasa 30 million won o katumbas ng $22,000 na ang halaga ng salapi ang napeke ni Jang ayon sa mga awtoridad.
Hindi naman na pinayagan pang sumakay si Jang ng kanyang flight at tsaka dinala sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City habang naghihintay para sa kanyang deportation proceedings.| ulat ni EJ Lazaro