Sa gitna ng patuloy na pagtindi ng init ng panahon, nakiisa na rin si Senate President Juan Miguel Zubiri sa pagtutulak na maibalik na ang lumang school calendar ng mga estudyante sa bansa, kung saan nakabakasyon ang mga mag-aaral mula Abril at ang pasukan ay Hunyo.
Ipinunto ni Zubiri, na nahihirapan ang mga estudyante at ang mga guro sa sitwasyon ngayon kung kailan may klase pa rin kahit napakainit na ng klima.
Binanggit rin ng Senate President, na mas matindi ang hirap na dinadanas ng mga estudyante sa probinsya bunsod ng napakainit ng panahon dahil ang ilan sa mga silid-aralan doon ay wala kahit mga elecrtic fan.
Sa ganitong sitwasyon aniya ay hindi nakakapag-focus ang mga estudyante sa kanilang aralin at mas iniinda nila ang init.
Dinagdag rin ni Zubiri, na bagamat ang unang dinahilan kaya ginawang July to August ang bakasyon ay dahil sa dami ng bagyong tumatama sa bansa sa ganitong mga buwan, pero sa nangyayari naman aniya ngayong summer ay halos nagiging linggo-linggo rin ang pagsususpinde sa mga klase.
Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sinisikap ng pamahalaan na mapabilis ang transition sa dating school calendar. | ulat ni Nimfa Asuncion