Maaga nang pinahayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi na siya tatakbo sa anumang posisyon sa gobyerno sa 2028 elections.
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod ng lumabas na resulta ng isang pulse asia survey para sa 2028 vice presidential race, kung saan lumabas na pang-lima si Zubiri sa mga nakatanggap ng boto o katumbas ng 7 percent ng mga sinurvey.
Sa isang pahayag, bagamat nagpasalamat sa pagkakasama niya sa survey ay sinabi nitong hindi na siya tatakbo sa 2028.
Katunayan, ayon sa senate president ay kinokonsidera na niyang magretiro sa pulitika.
Partikular na pinasalamatan ni Zubiri ang mga kababayan niya mula sa Mindanao at Visayas para sa suporta.
Tiniyak rin ng senate leader na itutuon niya ang huling apat na taon niya sa serbisyo sa pagpapataas ng buhay ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng makabuluhang mga panukalang batas.
Anuman aniyang survey result na nagpapakita ng positibong review para sa kanya at sa Senado ay patunay lang ng walang patid na pagnanais ng mataas na kapulungan na magbigay ng de-kalidad an serbisyo sa taumbayan.| ulat ni Nimfa Asuncion