Pinayuhan ngayon ng environmental watchdog group na EcoWaste Coalition ang waste workers at street sweepers na doblehin ang pag-iingat sa banta ng heat stress lalo ngayong patindi ng patindi ang init.
Ayon sa grupo, hindi biro ang panganib sa mga manggagawa na gaya ng mga garbage collectors at street sweepers ng matinding init na posibleng magdulot sa kanila ng dehydration, hyperthermia (or abnormally high body temperature), heat cramps, heat exhaustion, at heatstroke.
Dahil dito, naglabas ang EcoWaste Coalition at IWS groups ng ilang safety tips upang maiwasan ng mga naturang manggagawa ang heat stress.
Kabilang dito ang pag-iwas sa mahabang exposure sa araw lalo tuwing tanghali at hapon, kumain ng sapat na almusal at magshower bago pumasok sa trabaho, alamin kung kailan dapat magpahinga, maging kalmado at iwasang uminit ang ulo, laging magdala ng maiinom na tubig, iwasang uminom ng alcoholic, caffeinated at sugary drinks, kumain ng cooling fruits gaya ng pipino, singkamas (jicama), at watermelon.
Magsuot din ng sombrero, bandanas o magdala ng payong, at magsuot ng light-colored at lightweight loose-fit clothing.
Mahalaga rin aniya na maging alerto sa sintomas ng heat stress pati na ang first aid dito.
Kasunod nito, hinikayat ng EcoWaste Coalition ang mga employer ng formal waste workers na sumunod sa Labor Advisory No. 8 kaugnay ng heat stress prevention sa workplace.
Kasama na rito ang pagadjust sa work hours at rest breaks.
Hinimok rin ng EcoWaste Coalition ang publiko na pairalin ang malasakit sa mga waste workers sa pamamagitan ng pag-alok ng maiinom na tubig. | ulat ni Merry Ann Bastasa